Ang ambergris o suka ng balyena ay itinuturing "basura" ng karagatan na milyong piso ang halaga. At ilang residente sa Maconacon, Isabela ang naniniwala na mayroon sila nito.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita na ang napulot sa karagatan ng mga residente ay tila kulay dilaw at parang goma.

Kapag pinainitan sa apoy, nalulusaw at may kakaiba itong amoy. Ang isang residente, unang inakala na ordinaryong bagay lang ang napulot ng kaniyang asawa sa tabing-dagat at ginawa nila itong floor wax o pampakintad ng sahig.

Hanggang sa may mapagtanungan sila at sinabihin sila na baka ambergris o suka ng balyena ang mga napulot nila. Umaabot umano sa P300,000 hanggang P400,000 ang bawat kilo ng ambergris na ginagamit na sangkap sa paggawa ng pabango.

Hindi naman umano imposible na may mapadpad sa kanila na ambergris dahil malapit lang ang isla nila sa Pacific ocean na may mga balyenang nakikita.

Para malaman kung ambergris nga ang napulot nila, dinala nila ito sa Maynila para ipasuri sa marine biologist. 

Maging pera nga kaya ang napulot nilang kakaibang bagay sa karagatan? Alamin sa video ang natuklasan sa ginawang pagsusuri. Panoorin. --FRJ, GMA News