Sa kabila ng mga paalala na layuan ang mga Philippine warty pig o baboy ramo sa Mt. Apo, may mga hiker na hindi pa rin mapigilan ang sarili na lumapit sa naturang hayop.
Sa nag-viral na video sa social media, makikita ang isang grupo ng hikers na nakapaligid sa baboy ramo.
READ: ‘Philippine warty pig’ o baboy ramo na nakita sa Mt. Apo, kailangan ng tulong
Isa sa kanila ang umupo sa harap nito at tila may inaabot. Doon na siya sinakmal ng hayop.
Mabuti na lang at kapiraso lang ng jacket na suot niya ang nahagip ng ngipin ng baboy ramo.
Itinanggi ng hiker na plano niyang hawakan ang hayop. May kukunin lang daw siya sa malapit sa baboy ramo.
Pero aminado siya na mali ang kaniyang ginawa at hindi dapat pamarisan.
Dati nang ipinapaalala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang kinauukulan na hindi dapat lapitan o pakainin ang mga baboy ramo.
Mas makabubuti umano sa mga hayop na ito na maghanap ng sarili nilang makakain upang mabuhay sa natural nilang tirahan sa wild sa halip na bigyan.
Itinuturing endangered o malapit nang maubos ang populasyon ng mga Philippine warty pig. --FRJ, GMA News