Mga labi nga kaya ng kinatatakutan at misteryosong hayop na kung tawagin ay "sigbin" ang nakita sa kisame ng isang bahay sa Sagay, Negros Occidental?
Kuwento ni Archie sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," ilang buwan na siyang hindi makatulog nang maayos dahil sa nadidinig na kaluskos sa kisame ng kaniyang bahay pagsapit ng hatinggabi.
May pagkakataon din na nasasabay pa ito sa pananakit ng kaniyang sikmura.
Unang inakala ni Archie na baka pusa lang ang pinagmumulan ng ingay sa kanilang kisame. Hanggang sa nitong nakaraang Mayo 13, sinilip niya ang kisame at doon na tumambad ang labi ng isang hindi niya mawaring uri ng hayop.
Maliit ang bungo nito, malaki ang mata, maiksi ang mga braso, pero mahaba ang mga binti, at may mahabang buntot. Kapansin-pansin din na nababalot ng balat na hindi nabulok ang mga buto nito.
Nakatitiyak si Archie hindi buto ng pusa ang nakita niya sa kanilang kisame.
Ang kapitbahay naman ni Archie na si Dolorosa, naniniwala na ang labi ay mula sa misteryosong nilalang na sigbin.
Batay sa mga kuwento, ang sigbin ay isang pambihirang uri ng hayop na sumisipsip ng dugo ng kaniyang biktima.
May mga paniniwala rin na suwerte umano ang sigbin kaya sadyang may mga mayayaman na nag-aalaga nito.
Sa lugar daw nina Archie, may usap-usapan na mayroon daw gumagalang sigbin sa kanilang lugar.
Alaga raw ito ng isang mag-asawa at naging pagala-gala mula nang mamamatay ang nag-aalaga sa kaniya.
Si Dolorosa, may kuwento rin na minsan na raw siyang nakaengkuwentro ng sigbin.
Ang albularyo na kinunsulta naman ni Archie tungkol sa pananakit ng kaniyang tiyan, pinayuhan siya na huwag itapon ang mga labi ng nakitang hayop sa kanilang kisame.
Sinabihan siyang itabi muna ang mga labi ng hayop hanggang sa hindi pa siya gumagaling.
Dahil may paniniwala na suwerte ang sigpin, may mga kapitbahay si Archie na humihingi ng ngipin o parte ng misteryong hayop para umano gawing pampasuwerte.
Pero sigbin nga ba ang mga buto na nakita sa kisame ni Archie o isa lamang itong karaniwang hayop? Alamin ang resulta ng ginawang pagsusuri ng mga eksperto. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News