Nakakakilabot ang naging karanasan ng isang mag-ina matapos magparamdam ang isa umanong "nilalang" na anyong itim na lalaki sa kanilang tahanan. Ang elemento, sumunod sa kanila nang kunan nila ng larawan ang isang puno ng Balete.

Sa "Dapat Alam Mo!", ikinuwento ni Jhusan Ventura, 42-anyos, na nagsimula ang kababalaghan sa kanilang bahay noong nakaraang taon sa dati nilang tirahan.

"One time na umihi po ako riyan, nanginginig po ako, kinikilabutan po kasi ako. May nagbubukas po ng doorknob. Tapos sabi ko 'Wait lang po may tao pa.' Paglabas ko, walang tao ni isa," ani Jhusan.

Sunod-sunod umano ang pagpaparamdam kapag mag-isa si Jhusan.

"Mararamdaman mo sila na nandidito. Sobrang takot ko po nu'n, bumaba na lang po ako agad kasi hindi ko na po makayanan 'yung takot ko eh," anang ginang.

Pero nang lumipat sila sa katabing bahay, hindi natigil ang mga pagpaparamdam. Mas nabahala pa ni Jhusan dahil pati ang 14-anyos niyang panganay na anak na si Janna at ginagambala na rin.

Ayon kay Jhusan, naging tulala ang kaniyang anak, at may isang araw na binabangungot ito kung saan nakita nito ang isang tila anino.

"Nanlilisik po 'yung mata niya tapos 'yung mukha niya raw po nasa mismong harapan na niya. Hindi raw po siya makagalaw noon, sigaw daw po siya nang sigaw. Tapos bigla na lang po siyang nagising," sabi ni Jhusan.

Ikinuwento ni Janna na mayroon din siyang naririnig.

"Para pong may bumubulong sa akin kada dumadaan akong mag-isa. Boses lalaki po. Parang bulong na hindi ko maintindihan. Medyo mabigat po sa pakiramdam. Feeling ko po may sumisilip sa likod ko o may tao sa likod ko," anang dalagita.

Madalas umanong mangyari ang pagpaparamdam tuwing madaling-araw, kung saan nakararanas si Janna ng sleep paralysis.

"May nakita po akong isang lalaking nakaupo sa bandang likuran ko. Pumikit na lang po ako nu'n. Pagdilat ko po, bigla na lang siyang bumungad sa mukha ko," sabi ni Janna.

"Tinatawag ko po si mama pero hindi niya po ako narinig. Kinakabahan po at natatakot," dagdag ng dalagita.

Si Jhusan naman, hindi na rin maintindihan ang gustong iparating sa kaniya ng pinaniniwalaang elemento, at sobra na ang kaniyang takot na maaaring may mangyari nang hindi maganda sa kaniyang anak.

Para matulungan ang mag-ina, nagtungo sa kanilang bahay ang paranormal researcher na si Ed Caluag. Kaagad siyang nakaramdam ng mabigat na tila hinahabol ang kaniyang hininga, na parang may sumasakal.

Nang ipatong ni Ed ang kaniyang kamay sa ulo ni Janna, nakita ng dalagita ang isang lalaki sa kaniyang harapan. At nang iangat niya ang kaniyang kaliwang kamay, hinawakan umano siya ng lalaki.

Ayon kay Janna, dadalhin siya ng lalaki sa isang gubat.

Natukoy ni Ed ang lalaki bilang elemento na sumusunod kay Janna. Pakiramdam ng paranormal expert, hindi ito nanggaling sa bahay kundi sa ibang lugar.

Pag-amin ni Jhusan, pumunta sila noon sa kagubatan kung saan kinunan niya si Janna ng larawan sa may puno ng Balete.

"Doon sa ipinakikita ko sa iyo kanina, pansin mo may puno na kakaiba, malaki tapos andu'n sila nakatayo, parang naghihintay. Ibig sabihin, sinundan siya. Kahit saan po kayo pumunta, kung susundan siya, susundan pa rin siya," sabi ni Ed.

Kuwento ni Janna, nahawakan niya ang puno ng Balete nang kunan ng litrato ng kaniyang ina.

Gamit ang mga orasyon, pinaalis ni Ed ang elementong sumusunod kay Janna.

"Itong mga klaseng elemento ay capable na dalawin ka sa iyong panaginip. During the time na nagpakita 'yan sa panaginip mo, talagang hindi ka makakagalaw kasi iko-contain nila ng energy nila 'yung paligid mo," sabi ni Ed.

"Lahat ng tao kapag naririnig ang 3 a.m. alam nila na 'Ay, nakakatakot, 3 a.m. kasi witching hour, devil's hour.' So 'yung takot natin ang nagbibigay ng lakas sa kanila," paliwanag pa ng paranormal expert.

Samantala, nagbigay naman ng paliwanag ang sleep disorder specialist na si Dr. Jun Dizon, tungkol sa tinatawag na sleep paralysis.

"Lahat ng tao na under stress o may anxiety, dahil sa relationship sa pamilya, sa lovelife, financial, trabaho, kalusugan, ay nagkakaroon ng risk factor para sa sleep paralysis. Tapos dadagdagan pa po ito ng kakulangan sa tulog o di kaya irregular sleeping hours, doon nagkakaroon ng kadalasan na sleep paralysis," ayon kay Dr. Dizon. --FRJ, GMA News