Apo o magbayad na halos $650,000? Ito ang kondisyon ng isang mag-asawa sa India matapos nilang ireklamo sa korte ang sarili nilang anak na tinutustusan nila ang pag-aaral, pati na ang maluhong kasal.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng mag-asawang Sanjeev at Sadhana Prasad, na naubos ang kanilang ipon sa pagpapalaki at pagpapaaral sa kanilang anak na lalaki.
Ginastusan din daw nila ang maluhong kasal nito, pati na ang honeymoon pero hindi pa rin nagkakaanak.
Ngayon, naniningil na ang mga magulang.
"My son has been married for six years but they are still not planning a baby. At least if we have a grandchild to spend time with, our pain will become bearable," saad ng mag-asawa sa kanilang petisyon na isinampa sa korte sa Haridwar noong nakaraang linggo.
Bilang kompensasyon, humingi ang mag-asawa sa kanilang anak ng 50 million rupees, ayon sa ulat ng Times of India nitong Huwebes.
Ginastusan din daw ng mag-asawa ang pag-aaral sa Amerika ng kanilang anak para maging piloto. Pero bumalik ito sa India na walang trabaho.
"We also had to take a loan to build our house and now we are going through a lot of financial hardships. Mentally too we are quite disturbed because we are living alone," himutok ng mag-asawa sa petisyon.
Sinabi ng kanilang abogado na si Arvind Kumar na didinggin ng korte ang petisyon sa Mayo 17.
Ayon sa ulat, kilala ang India na may strong family system. Kaya may mga magkakamag-anak na magkakasama sa iisang bubong.
Pero sa nagdaang mga taon, nagkakaroon na rin umano ng pagbabago sa tradisyong ito. Gaya sa kasong ito na pinipili ng mga anak na humiwalay sa mga magulang at magtrabaho kaysa bumuo agad ng sariling pamilya.-- AFP/FRJ, GMA News