Tatlong bagong milyonaryo ang hindi pa nagpapakita sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para kumbrahin ang kanilang premyo matapos tumama sa lotto. Ang dalawa, tumama noon pang Hulyo 2021.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng PCSO na dalawang mananaya (isang taga-Batangas at isang taga-Muntinlupa City) ang maghahati sa jackpot prize na P36,830,471.
Tinamaan umano ng dalawa ang winning combination na 34 – 40 – 8 – 24 – 36 – 30, sa ginanap na 6/45 Mega Lotto draw noong July 26, 2021.
Samantala, mula naman sa Baguio City ang naka-solo sa jackpot prize na P62,756,225 para sa 6/45 Mega Lotto draw noong February 18, 2022, at may winning combination na 31 – 30 – 6 – 4 – 29 – 16.
“Kami po ay nanawagan sa inyo, i-claim po ninyo nang maaga ang inyong mga prizes. Gusto po namin maibigay na po sa mga winners ang mga prizes,” sabi ni Arnel Casas, PCSO OIC GM Assistant Manager of Management Services Sector.
Paalala ng PCSO, hanggang isang taon lang maaaring kubrahin ng nanalo ang kaniyang premyo mula sa araw nang tamaan niya ang mga numero.
Kapag hindi nakubra ang premyo pagkaraan ng isang taon, mapupunta ito sa charity works ng PCSO.
Para naman makubra ang premyo, dapat dalhin ng nanalo ang kaniyang winning ticket at dalawang valid ID.
Kung nawala ang winning ticket, sabi ni Casas, “Sorry to say wala na po silang chance to claim the prize. Kailangan ma-validate ng machine, ng system yung ticket. So kailangan po talagang i-present ‘yon. Kaya tinatawag po namin na ‘yan ang passport nila sa millions.”
--FRJ, GMA News