Tinataya ng isang marine sanctuary guard na hindi bababa sa 17 talampakan ang haba ng buwaya na nakita at na-videohan sa ilalim ng tulay at mga bahay sa Rio Tuba, Bataraza sa Palawan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nagulantang ang mga residente sa lugar nang makita nila ang dambuhalang buwaya na pinaniniwalaan nilang mas malaki pa sa nahuling buwaya noon at namatay na si Lolong.
Kinilala si Lolong na world’s largest crocodile in captivity sa haba nitong 21 feet.
Sa nag-viral na video, nakita ang dambuhalang buwaya sa Rio Tuba na sumuot pa sa ilalim ng tulay at mga bahay bago nawala.
May mga residente sa lugar na naghihinala na ang naturang buwaya ang kumain sa alaga nilang hayop tulad ng aso.
Isang residente rin sa lugar ang inatake kamakailan ng buwaya habang nangingisda at namatay.
Para malaman kung tunay na dambuhala ang buwaya na nakuhanan ng video, nagtungo ang mga awtoridad sa bakawan na pinaniniwalaang pinamamahayan ng mga buwaya.
Naging maingat at kalkulado ang kilos ng mga awtoridad na sakay ng bangkang de motor. Hindi nagtagal, may nailawan silang buwaya sa bakawan pero hindi nila matiyak kung ito ang buwaya na kanilang hinahanap.
May dalawa pa silang nakitang mata ng buwaya pero lumubog ang mga nang lapitan ng kanilang sasakyan.
Paniwala ni Yolly Ismael, isang marine sanctuary guard, kung pagbabasehan ang viral video, tinataya niya na hindi bababa sa 17 talampakan ang haba ng buwaya.
Sa kabila ng pagkakakita sa malaking buwaya sa lugar ng mga tao, sinabi ng tagapagsalita ng Palawan Council for Sustainable Development, na hindi ito basta-basta hinuhuli kung wala namang inaatakeng tao.
Kailangang din na nasa 10 talampakan o mas malaki ang buwaya, at kung hindi na umaalis sa kabahayan.
Ayon kay Barangay Captain Nelson Acob, ligtas naman ang mga residente dahil mataas ang mga bahay kahit pa magkaroon ng high tide.
Patuloy naman ang pagbibigay ng impormasyon ng PCSD kaugnay sa ugali ng mga buwaya.
“In-explain namin sa kanila kung ano ‘yung behavior ng buwaya. Kapag gabi na, huwag nang lumusong sa tubig. Kung kailangan lumusong ay gumamit ng bangka na malaki,” ayon kay John Fabello.
Gayunman, hindi pa rin maiwasan na mangamba ang mga tao lalo na sa kanilang mga anak kung sakaling mahulog ang mga ito sa dagat.
—FRJ, GMA News