Kahit limang dekada na ang nakalilipas mula nang mamatay, hindi pa rin nabubulok ang bangkay ni Lolo Jose sa San Luis, Batangas. Ang kaniyang bangkay, binubulungan daw ng mga buhay na may mga kahilingan.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing dating magsasaka si Lolo Jose noong nabubuhay pa, at kilala raw sa kanilang lugar na matulungin.

Ngunit isang araw, bigla na lang natumba si Lolo Jose at pumanaw sa edad na 87. Hindi raw naimbalsamo noon si Lolo Jose at kaagad na inilibing.

Pero 20 taon na ang nakalilipas nang magpakita raw sa panaginip si Lolo Jose sa isa niyang apo upang ipahukay ang kaniyang katawan dahil naiinitan daw ito sa kaniyang kinalalagyan.

Makaraang pag-usapan ng magkakaanak ang naturang panaginip, nagpasya silang hukayin ang bangkay ni Lolo Jose para malaman kung may katotohanan ang sinasabi sa panaginip.

Kaya naman laking gulat nila nang makitang hindi nga naagnas ang bangkay ni Lolo Jose, na kinalaunan ay pinagawan na nila ng sariling kapilya.

Ngayon, nasa glass box na nabubuksan ang mga labi ni Lolo Jose na maaaring dalawin ng mga sinuman na may nais na ibulong at hilingin sa kaniya.

Ang ilan daw sa mga nagpupunta sa kapilya at bumubulong sa bangkay ni Lolo Jose, ilang lokal na pulitikong nais magpatulong na manalo sa eleksiyon.

Pero mayroon ding isang sanggol naman sa Naga, Cebu na hindi rin nabubulok ang bangkay, at binubulungan din umano ng mga maysakit na nais gumaling at mga taong nais suwertehan. 

Nagkakaroon naman kaya ng katuparan ang mga ibinubulong na kahilingan sa mga bangkay na hindi nabubulok? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News