Nang biglang pumanaw si Tatay Manuel dahil sa atake sa puso, ilan sa kaniyang mga anak ang kinakapos sa pera kaya plano nilang ibenta ang naipundar niyang bahay. Pero tila may ibang paraan si Tatay Manuel para matulungan sila kahit nasa kabilang buhay na siya.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing galing sa hirap si Manuel kaya masinop siya sa pera na kaniyang kinikita sa pamamalakaya o pangingisda.
Sa pamamalakaya binuhay ni Manuel ang kaniyang maybahay na si Nanay Mercedes at 11 nilang anak.
Kuwento ni Nanay Mercedes, panggastos lang sa kanilang bahay ang ibinibigay sa kaniya ni Manuel, at itinatabi ng mister kung may sobrang pera para iba pang gastusin tulad ng pagpapagawa ng bangka.
Sa kaniyang pag-iipon, nagawa ni Manuel na makabili ng sariling bangka na P1 milyon ang halaga kaya mas gumanda pa ang kaniyang kita sa pamamalakaya.
Hanggang sa makabili na rin si Tatay Manuel ng kanilang bahay. Gumawa rin siya ng bodega kung saan nakalagay ang mga naipundar niyang mga gamit sa pamamalakaya.
Ngunit nitong nakaraang Agosto, biglang inatake sa puso si Manuel at binawian ng buhay sa edad na 71. Umabot sa P300,000 ang nakita nilang pera na naitabi ni Manuel, na ginamit nilang pambayad sa ospital at sa kaniyang libing.
Pero matapos pumanaw si Manuel, nagkakaroon na ng problema sa pinansiyal ang ilan sa mga anak niya. Kaya naiisipan nilang ibenta na lang ang kaniyang naipundar na bahay.
Gayunman, tila may ibang paraan si Tatay Manuel upang matulungan ang kaniyang mga anak kahit nasa kabilang buhay na siya.
Ayon kay Nanay Mercedes, ilang araw niyang napanaginipan ang mister na nag-uutos na ipabungkal sa kanilang anak ang kaniyang bodega.
Ang mga kalugar nila, madalas daw na may nadidinig na ingay na nagmumula sa bodega na tila nagti-tiktik.
Ang aso umano ni Manuel, madalas ding magpunta sa bodega na tila mayroon daw inaabangan na lalabas.
Hanggang sa magpasya na ang mga anak ni Manuel na sundin ang utos ng ama sa panaginip na bungkalin ang bodega.
Mayroon nga silang nakita na tila bagong sementadong compartment sa bodega at iyon ang kanilang binutas. Sa loob nito, tumambad ang tatlong garapon na naglalaman ng siksik na mga pera na tig-P1,000.
Nang kanilang bilangin, umabot ang pera sa tatlong garapon sa kabuuang halaga na P3 milyon. Paano nga ba ito nangyari? Totoo nga ba angpagpaparamdam ng pumanaw sa panaginip? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News