Namangha ang may-ari ng puno ng saging sa Barangay Cabalitian sa Asingan, Pangasinan nang makita nila ang pambihirang laki ng bunga nito.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing kasing laki ng braso ng tao ang isang piling ng saging at aabot sa apat na kilo ang bigat.

Ayon sa may-ari ng saging na si Winnie Tarangco, bigay sa kanila ang binhi ng saging kaya hindi nila inasahan na dambuhala ang laki nito.

Pumitas daw sila ng 12 piraso ng bunga at ipinamigay sa kanilang kapitbahay na namangha rin sa nakitang laki ng saging.

Sa hiwalay na ulat sa "24 Oras Weekend," sinabi rin ni Tarangco, na matamis ang dambuhalang saging.

"Matamis po siya... Hindi po siya pangkaraniwan na saging na 'di ba may puso 'yung saging natin na tumutubo po sa atin? Siya wala," kuwento niya.

Ayon sa municipal agriculturist sa Asingan, ang naturang puno ng saging ay isang uri ng giant plantain na bihira umanong mamunga.

Samantala, isang puno rin ng saging ang agaw-pansin sa Pagudpod, Ilocos Norte dahil naman sa napakarami nitong bunga.

Ang buwig ng puno, umaabot sa 12 talampakan ang haba at halos sumayad na sa lupa ang puso nito.

Dahil makikita sa kalsada ang naturang puno ng saging, hindi mapigilan ng ibang tao na tumigil at magpakuha ng larawan sa tabi ng saging.--FRJ, GMA News