Mahigit 60 endangered South African penguins ang nakitang patay sa Boulders African penguin colony sa bayan ng Simon noong nakaraang linggo.
Ayon sa ulat ng Reuters, natuklasan ng mga conservationist na nagtamo ng mga kagat ng Cape Honey bees ang mga penguin.
Sinabi ni Dr Katta Ludynia, research manager ng Southern African Foundation for the Conservation of Coastal Birds, na napakapambira ng pangyayari na inatake ng mga bubuyog ang mga penguin.
Ang higit pa umanong nakalulungkot sa pangyayari ay highly endangered na o nanganganib nang maubos ang mga naturang uri ng penguin na namatay.
Sa isinagawang pagsusuri sa mga namatay na penguin, lumilitaw na nagtamo sila ng maraming kagat ng bubuyog.
Hindi pa malaman ang dahilan kung bakit inatake ng mga bubuyog ang mga penguin. --Reuters/FRJ, GMA News