Hinahangaan ang isang 17-anyos na lalaking Igorot mula Bangued, Abra, matapos siyang makaimbento ng aparato para pailawin ang mga bumbilya na hindi na ito kailangan pang isaksak sa outlet.
Sa panayam sa kaniya sa "State of the Nation," na mapapanood sa Make Your Day, sinabi ni Jhentrix Castillo ng Barangay Cabuloan na sa pamamagitan ng kaniyang aparato, maaari nang "mahawakan" ang kuryente.
Paliwanag niya, ito'y dahil nagre-resonate lamang ang kuryente sa coil, na lalabas sa isang bakal kaya maaari itong hawakan.
Ginagamitan ng mga ordinaryong materyales sa tahanan ang kaniyang capacitor, tulad ng garapon na may salt water, aluminum foil at mga pako.
Tampok sa aparato ni Castillo ang isang Tesla coil na nakuha niya mula sa isang lumang transformer sa junk shop malapit sa kanila.
Interesado na raw si Castillo sa siyensiya mula pa pagkabata, at libangan na niya ang bumutingting ng mga lumang appliance.
Hinahangaan niya ang Serbian-American inventor na si Nikola Tesla, na siyang nakagawa ng alternating current o AC.
"Tahimik lang siya sir, 'yun ang nagustuhan ko sa kaniya," sabi ni Castillo.
Malaking tulong ang imbensyon ni Castillo lalo sa mga komunidad na nawawalan ng kuryente.
"Sa mga gustong gumawa rin, hindi sila mamomroblema na 'Wala naman akong ganito, walang pambili.' Sa kahit anong paraan, puwede nilang pakinabangan 'yung mga hindi na ginagamit o tinapon," ani Castillo.
Panoorin sa video kung paano niya ginawa ang aparato. --FRJ, GMA News