"Mag-alcohol sa kamay, huwag sa atay. Maghugas ng kamay, pati plato, idamay."

Kabilang ito sa paalalang binabanggit ng mga nagrorondang miyembro ng LGBTQ community sa Barangay Parparoroc sa Vintar, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Trace De Leon sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabi ni Mike Habab, barangay secretary, na sinasamahan nila ng kaunting aliw ang pagbibigay ng impormasyon sa kanilang mga ka-barangay.

Isinasagawa ang pagroronda para matiyak na naipatutupad ang curfew sa barangay habang nakapailalim sa localized enhanced community quarantine ang lalawigan.

Bukod sa mga kuwelang paalala tungkol sa health and safety protocols, may suot din costume ang nagroronda.

Epektibo naman daw ang ginagawa nilang pagroronda dahil wala silang nahuhuling lumalabag sa curfew.--FRJ, GMA News