Dahil sa paglalaro ng online game na Axie Infinity, nagawa raw ng isang 22-anyos na lalaki na makabili ng dalawang bahay. Pero ang isang lalaki na ipinuhunan ang pinaghirapang P120,000 para sa natung online game, bakit naglahong parang bula?

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nagsimulang maglaro ng Axie Infinity si John Aaron Ramos, noong November 2020 bilang "scholar" dahil wala pa siyang pangpuhunan na hanggang P120,000 para maging isang "manager."

Nang panahon iyon, nakapaglalaro lang si Ramos ng dalawa hanggang tatlong oras sa isang araw para makapag-ipon ng Small love potion o SLP, na puwedeng i-convert sa cash.

Ang presyo ng SLP, nakadepende sa galaw ng digital currency sa merkado.

Nang makaipon na si Ramos ng maraming SLP at tumaas ang halaga nito, dito na niya ginamit ang pera para makabili ng dalawang bahay dahil dati lang silang nangungupahan.

Ngayon, isa na rin siyang manager at mayroong mga scholar.

Si Joshua Maniquis, 25-anyos, nag-invest ng P200,000 para maging manager sa naturang online games.

Mga scholar niya ang kaniyang mga kaanak na kailangan ng pagkakakitaan ngayong pandemic--kasama na ang kaniyang mga magulang.

At ang balik ng puhunan, bawing-bawi raw.

Nakabili na siya ng motosiklo, gamit sa bahay, at gastusin sa kanilang pangangailangan.

Pero hindi lahat ay may magandang kuwento sa paglalaro ng Axie Infinity.

Gaya ni Danrebb Barcelona na inilagay ang pinaghirapang P120,000 bilang puhunan sa naturang online game para maging manager.

Pero ang pera, biglang nawala at naapektuhan din ang kaniyang mga scholar.

Ano nga ba ang nangyari sa pera ni Barcelona at gaano nga ba ka-safe ang perang ini-invest sa online game na ito? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News