Bilin ng mga nakatatanda sa mga kabataan na huwag tutulog-tulog dahil walang mangyayari sa buhay. Pero para siguro sa isang 19-anyos na Pinoy streamer, hindi ito totoo.
Sa pamamagitan kasi ng pagtulog na naka-live stream, kumikita si Euan Garcera, na kilala bilang si ETS Gaming.
Kuwento ni Garcera sa video ng GMA News Feed, nagsimula siya sa pag-stream ng online games nitong pandemic nang naaapektuhan na ang trabaho ng kaniyang mga magulang.
Kumita siya sa online games na ipinapalabas nang live sa Facebook o game stream kung saan bumibili ng "stars" ang viewers na may katumbas na halaga ng pera.
Pero pagkatapos ng paglalaro.
"Kapag nararamdaman ko na yung pagod, yung antok, ini-end ko na po agad yung stream then start po ulit ng bago...sleep stream na po," kuwento niya.
At hindi naman siya nabigo dahil may mga nanonood sa kaniyang pagtulog.
"Noong una po sabi ko try ko lang kasi wala naman masyadong nanood sa akin. Then paggising ko po may mga nag-send ng 'stars,'" pahayag niya.
Sa unang linggo ng Agosto, sinabi ni Garcera na umabot sa $300 ang natanggap niya o katumbas ng mahigit P15,000.
May ilang viewer na binabasag ang pagtulog niya sa pamamagitan ng pag-iingay. Pero mas marami naman daw ang naaliw lalo na ang mga hirap na matulog.
Nagpasalamat si Garcera sa mga nanonood at sumusuporta sa kaniya lalo na ngayong pandemic.--FRJ, GMA News