BABALA, MAY MASELAN NA TAGPO SA VIDEO
Nadurog ang puso ni Nanay Alma nang makita ang kalagayan ng kaniyang 11-anyos na anak na si Gilbert na may kutsilyong nakatusok sa noo. At ang tanong sa kaniya ng anak, "Nanay, mamamatay po ba ako?" Pero papaano na ba nangyari ang naturang insidente?
Nakatira ang mag-inang Alma at Gilbert sa Barangay Nabuna sa Aloran, Misamis Occidental, na pangingisda ang isa sa pinagkukunan ng makakain.
Isang araw, sa kagustuhan ni Gilbert na makatulong sa ama, sumama siya sa pinsang si Wesley upang kumuha ng kawayan na gagamitin nila sa pamimingwit.
Pero nang pauwi na sila, natisod si Gilbert habang hawak ang kutsilyo.
Ang kutsilyo, naitukod niya sa lupa at doon na natusok ang kaniyang noo sa pagbagsak.
Kaagad na pinuntahan ni Wesley si Nanay Alma para sabihin ang nangyari aksidente kay Gilbert.
Ang akala ni Nanay Alma, nasugatan lang si Gilbert. Kaya naman ikinagulat niya nang husto nang makita na may patalim na nakatarak sa noon ng kaniyang anak.
Lalo pang nadurog ang kaniyang puso nang magtanong sa kaniya si Gilbert kung mamamatay ba siya sa nangyaring aksidente.
Isinugod nina Nanay Alma si Gilbert sa pinakamalapit na ospital na 30 minuto ang layo sa kanila. Gayunman, wala raw kapasidad ang ospital na isagawa ang operasyon sa bata kaya inirekomenda nilang ilipat siya sa ibang pagamutan.
Ang ikalawang pagamutan, isang oras naman ang layo. Nang mga sandaling iyon, apat na oras nang nakatarak sa noo ni Gilbert ang patalim.
Nang isailalim sa CT-scan si Gilbert, doon na nakita kung gaano na siya kalapit sa matinding peligro at maaaring magdulot sa kaniya ng matinding pinsala o kamatayan.
Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang buong kuwento nang nangyari kay Gilbert, at kapulutan ng aral tungkol sa paghawak ng patalim lalo na sa mga bata. Panoorin.
--FRJ, GMA News