Isang 13-anyos na binatilyo ang nakapag-ipon na ng P100,000 dahil sa kaniyang plant business sa Quezon City.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing pitong-taong-gulang pa lamang si Ken Adrian Dela Cruz nang magsimula siyang mahumaling sa Bougainvillea, hanggang sa umabot na sa 200 ang iba't ibang halaman na naipon niya.
Nagbebenta rin si Ken ng mga paso bukod sa ilang propagations.
Ipinantulong naman niya ang naipon niyang P100,000 para sa pambayad sa matrikula ng kaniyang ate sa kolehiyo.
Sinabi ng nanay niyang si Lolit, napaka-hands on si Ken sa kaniyang business, mula sa inventory hanggang sa pag-deliver.
Proud din si Nanay Lolit sa kaniyang anak na consistent honor student din.--Jamil Santos/FRJ, GMA News