Isinugod sa ospital ang isang tatlong-taong-gulang na batang lalaki matapos pumasok sa kaniyang ilong ang isang baterya.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing Hunyo 13 nang dumaing si Sky sa kaniyang ina na idinadaing na masakit ang kaniyang ilong.
Dahil inakalang marumi lang ang ilong ng anak, nilinis ito ng kaniyang ina. Pero patuloy pa rin ang bata sa pagdain, at umamin na may nakasuksok na bagay sa kaniyang ilong.
"Sabi niya battery. Tapos finlashlight ko po, meron siyang silver na nakita. Ayun, dinala ko na po siya sa malapit na ospital," sabi ni Jean Ong, ina ni Skye.
Nang ipasuri sa X-ray, nakita sa ilong ng bata ang baterya, na sinubukang sungkitin ngunit hindi natanggal.
Sa paglipat nila sa ospital, inirekomenda ng espesyalista na hintayin na lang itong kusang lumabas sa katawan ni Sky.
"24 hours din po siyang hindi kumakain noon tapos mga after 24 hours, kumain na siya. Mga three days pa po bago pa po siya nag-poop nu'n. Doon na po nakuha 'yung battery," ayon kay Ong.
Nasa mabuting kalagayan na ngayon si Sky.
"Sana po huwag niyo kaming i-judge, lahat tayo nagkakamali. Nagkulang po kami sa time, sa anak ko, dahil din po sa future niya na ginagawa namin. Lahat po tayong mga nanay alam 'yan, ayaw nilang masaktan or mapahamak 'yung isang anak natin," sabi ng ina ng bata. --Jamil Santos/FRJ, GMA News