Pumanaw na sa edad na 76 ang lalaki sa India na mayroong 39 na misis at 94 na anak; at pinaniniwalaang may hawak ng record na may pinakamalaking pamilya sa mundo.
Sa isang tweet ng chief minister ng kanilang home state, sinabing pumanaw nitong Linggo si Ziona Chana, ang pinuno ng isang sekta na pinapayagan ang polygamy, o pagkakaroon ng maraming asawa.
Bukod sa 39 na asawa at 94 na anak, mayroon ding 33 apo si Chana.
Nakatira ang buong pamilya sa isang gusali na may apat na palapag, at 100 kuwarto.
Tinawag na "Chuuar Than Run" o New Generation House ang kanilang bahay, na naging tourist attraction sa Mizoram state.
Taong 1942 nang itatag ng ama ni Ziona ang sektang Kristiyano na tinawag na "Chana." Daan-daang pamilya ang naging kaanib nito.
Minana ni Ziona ang pagiging lider ng sekta mula sa kaniyang ama.
Sa edad na 17, pinakasalan ni Ziona ang kaniyang unang asawa na tatlong taon ang tanda sa kaniya.
Ang huli niyang naging asawa ay 25-anyos na pinakasalan niya noong 2004.
Ilegal ang polygamy sa ilalim ng batas ng India pero pinapayagan ito sa ilang tribo at sekta bilang respeto sa kanilang kinaugalian.
Sinasabing diabetes at hypertension ang sanhi ng pagkamatay ni Ziona.--FRJ, GMA News