Isang uri ng giant tortoise na inakalang extinct o naubos na 100 taon na ang nakalipas ang nakumpirmang may nabubuhay pa sa Galapagos Islands sa Ecuador.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing inakalang naubos na noon ang higanteng pagong na Chelonoidis phantasticus species.
Pero noong 2019, may nakitang katulad na pagong sa Galapagos Island na may timbang na 30 kilo.
Matapos ang isinagawang pag-aaral ng mga scientist sa Yale University ang nakuhang sample sa naturang pagong, lumitaw na isa itong Chelonoidis phantasticus.
Plano ngayon na magsagawa ang expedition sa naturang isla para alamin kung mayroon pang species ng naturang giant tortoise doon.
Ayon sa Galapagos National Park, sa ngayon ay mayroong 60,000 populasyon ng mga higanteng pagong mula sa iba't ibang species.--FRJ, GMA News