Mala-extra challenge kung isulat at basahin ang ibinigay na pangalan sa isang baby na puro katinig ang letra kaya binigyan siya ng palayaw na "Consonant."
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakilala si baby Ghlynnyl Hylhyr Yzzyghyl Mampuan Buscato, na mula sa Carmen, Cotabato-- o si Baby Consonant.
Ang lolo ni Consonant na si Raugyl Ferolin Estrera, ang nag-isip ng naturang pangalan ng kaniyang apo.
Ayon kay Estrera, siya ang natoka na mag-isip ng pangalan sa apo na dapat daw ay kakaiba at hindi basta-basta lang para sa kanilang pamilya.
Paliwanag ng lolo, hango o mula sa mga pangalan ng ina, ama, lola, at ilan pang kaanak ang mga letra sa pangalang Ghlynnyl Hylhyr Yzzyghyl.
Dahil kakaiba, kailangang bantayan para matiyak na tama ang bawat letra ng pangalan ng bata sa mga dokumento.
Katunayan, kinailangan daw na itama ang pagkakamali sa birth certificate ng bata dahil nga mali ang pagkabaybay sa pangalan, ayon kay Estrera.
Gumawa naman sila ng madaling palayaw ng sanggol pero kahit papaano ay kakaiba pa rin: "Consonant," o katinig sa alpabetong Filipino.
"Habang bata pa po siya, tuturuan namin siya nang maayos kung papaano isusulat yung pangalan niya. I-e-explain namin nang maayos kung saan ba hinango yung pangalan niya," sabi ni Estrera.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na may pangalan na ibinigay sa anak na puro katinig.
Sa San Fabian, Pangasinan, tatlong magkakapatid ang pinangalanang Pzxydynn Yzzyr, Djyknyll Rysym at Dzywrygh Lynzh. (BASAHIN: Mag-asawang simple ang pangalan, binigyan ng kakaibang pangalan ang 3 nilang anak)
Sa Baguio City, isang lalaki naman ang binigyan ng kaniyang magulang ng higit 40 pangalan kaya gumagamit siya ng shortcut na pangalan na inilalagay sa ID. (BASAHIN: Lalaki, mahigit 40 ang napakahabang pangalan). --FRJ, GMA News