Naospital ang isang 21-anyos na lalaki sa Pangasinan matapos na maimpeksiyon, mamaga at tila unti-unti nang nabubulok ang maselang bahagi ng kaniyang katawan dahil sa itinurok niya ritong petroleum jelly.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabi ng lalaki na itinago sa pangalang "Alberto, mula sa Manaoag, Pangasinan, 2019 nang mahikayat siya ng mga kabarkada na magturok ng petroleum jelly.
Sa dating episode ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," tinalakay dito ang kuwento ng ilang kalalakihan na nagturok din ng petroleum jelly at baby oil sa pribadong bahagi ng kanilang katawan dahil sa kagustuhang lumaki ito.
'KMJS': Peligrosong pagtuturok ng petroleum jelly at baby oil sa ari para lumaki, patuloy
Ayon kay Alberto, hindi niya inasahan ang magiging matinding epekto ng itinurok na petroleum jelly sa kaniyang ari.
Kailangang maoperahan si Alberto para matanggal ang kemikal na itinurok sa kaniya.
Pero dahil sa kakapusan ng pinansiyal, nananawagan siya ng tulong para sa gagawing maoperahan.
Ayon sa Pangasinan Provincial Health Office, lubhang mapanganib ang pagtuturok ng "foreign materials" sa katawan dahil posibleng mauwi ito sa komplikasyon.
"Unang-una, kung hindi kayo lisensiyado na mga duktor or wala kayong mga training para sa mga cosmetology na mga ganito, hindi kayo ina-advice na gagawin ninyo 'yan," paalala ni Dr. Anna De Guzman.--FRJ, GMA News