Naaresto na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nagpanggap na doktor at nagsagawa ng palpak na butt enhancement procedure sa isang modelo na nangitim at sumakit ang puwetan. Pero maibalik pa kaya sa dati ang hitsura ng kaniyang pige?
Sa follow-up report ni Kara David sa "Brigada," ipinakita ang ginawang pag-aresto ng NBI sa pamamagitan ng entrapment operation laban kay Gerlon Sadsad.
Inamin ni Sadsad na dati siyang "med rep" pero wala siyang lisensiya o training para magsagawa ng butt enhancement procedure.
Nakuha kay Sadsad ang ilang gamot na ginagamit niya para tunawin ang mga filler at inilalagay sa kaniyang "pasyente," at iba pang paraphernalia.
Mahaharap si Sadsad sa patong-patong na reklamo.
Ang modelo namang si "Jaymee," sumailalim sa liposuction treatment para alisin ang mga silicone oil na itinurok sa kaniyang puwitan.
Ayon sa tunay na doktor na umasikaso kay "Jaymee," tagumpay ang isinagawang proseso sa modelo.
Pero pumayag kasi si Jayme sa alok na areglo ni Sadsad para hindi na ituloy ang reklamo?
"Hindi po basta-basta nababayaran ng pera ang damages, 'yung depression, 'yung anxiety na idinulot ng butt job," ayon kay Jaymee na desididong ituloy ang reklamo para wala nang mabiktima si Sadsad. --FRJ, GMA News