Sinibak sa puwesto ang lahat ng pulis sa Police Station 5 sa Angeles City, Pampanga matapos sumali sa April Fools prank video.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nakita sa video ang dalawang pulis na nagpakilalang nakatalaga sa naturang presinto at may isinasakay na tao sa patrol car.
Pero lumitaw na biro at hindi tunay na operasyon ang kanilang ginawa.
Sasampahan sila ng kasong administratibo dahil sa paglabag sa health protocols kaugnay sa pag-iingat laban sa COVID-19.
Sasampahan din ng reklamo ang taga-entertainment organization na kasabwat ng mga pulis sa naturang prank.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang pahayag ng mga pulis sa Station 5 at entertainment organization.
Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni Police Regional Office-3 director Police Brigadier General Valeriano de Leon, na hindi siya makikialam sa usapin pero hindi raw niya kokonsintihin ang naturang gawain ng mga pulis.
Ipinag-utos din niya na imbestigahan ang insidente.
Napag-alaman na si Angeles City Mayor Carmelo Lazatin ang nag-utos na alisin sa puwesto ang mga pulis. --FRJ, GMA News