Arestado sa entrapment operation ang isang lalaki matapos na ireklamo ng pangingikil na umabot daw sa P2 milyon. Ang suspek, nag-alok daw sa kaniyang biktima ng proteksiyon laban sa masasamang espiritu na nauwi sa pananakot.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Rickson Aviso, na dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division.
Ayon sa biktima, nakilala niya ang suspek sa social media at nag-alok ng proteksiyon laban sa mga masasamang espiritu.
Kasunod nito ay nagsimula na umanong manakot ang suspek at hiningan ng pera ang biktima na umabot na sa P2 milyon.
"Kinuha muna ni subject 'yung loob ng ating biktima na dahilan para magtiwala naman si victim. Kinalaunan noong nakuha na 'yung loob niya nanghingi siya ng pera," ayon kay Atty. Michelle Valdez, Executive Officer, NBI-CCD.
"Hanggang ngayon may ginagawang panloloko o pang-i-intimidate or pangte-threat sa kaniya na dahilan para magbigay ng pera," patuloy ni Valdez.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa kaukulang reklamo.--FRJ, GMA News