Patay ang isang 20-anyos na lalaki nang matuklaw ng ahas na inakalang patay na matapos nilang pagpapaluin sa Villasis, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jayson Nama, ng Barangay Tombod.
Kasama umano ni Nama ang ilang kaibigan nang pagpapaluin nila ng kahoy ang isang ahas na nakita nila malapit sa imburnal.
Nang akalang patay na, pinalo pa raw ni Nama ng isa sa ulo ang ahas bago damputin. Pero paghawak niya sa ahas, doon na siya natuklaw.
Pero hindi raw kaagad sinabi ni Nama sa mga kaibigan na natuklaw siya ng ahas. At nang dahil siya sa ospital, huli na at binawian na siya ng buhay.
Ayon sa opisyal ng Villasis municipal health office, dapat madala kaagad sa ospital ang isang taong nakagat ng ahas.
Habang papunta sa ospital, makabubuti umanong talian ang bahagi ng katawan na nakagat ng ahas para hindi kaagad kumalat ang kamandag bilang paunang lunas.--FRJ, GMA News