Isang bagong uri ng hunyango ang nadiskubre sa Madagascar na sa sobrang liit ay puwedeng tumayo sa tuktok ng daliri ng tao.
Sa ulat ng Reuters, posibleng pinakamaliit na reptile sa mundo ang bagong tuklas na uri ng hunyango o chameleon.
Ang dalawang bulinggit na hunyango--isang lalaki at isang babae, ay nadiskubre ng German-Madagascan expedition team sa northern Madagascar.
Ang katawan ng lalaking Brookesia nana, o nano-chameleon, ay may haba lang na 13.5 mm (0.53 inches), ang pinakamaliit na sa 11,500 known species ng reptile, ayon sa Bavarian State Collection of Zoology sa Munich.
Ang kabuuang sukat ng Brookesia nana na mula sa ilong hanggang buntot ay nasa 22 mm (0.87 inch).
Mas mahaba naman ang babaeng nano-chameleon na may kabuuang sukat na 29 mm.
“The nano-chameleon’s habitat has unfortunately been subject to deforestation, but the area was placed under protection recently, so the species will survive,” sabi ni Oliver Hawlitschek, scientist sa Center of Natural History sa Hamburg.--Reuters/FRJ, GMA News