Nauwi sa stampede ang ginawang pagsalakay ng mga awtoridad sa isang nightclub sa Quillacollo, Bolivia na natuklasan na may 150 katao na nagpa-party kahit mayroong lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa video ng GMA News Feed, makikitang natumba ang harang sa isang masikip na daanan nang magsiksikan doon ang nasa 70 katao na gustong matakasan ang mga pulis.
Ang mga tao na nasa unahan, natumba kasama ang harang na bakal at nadaganan ng iba pang partygoers na nais matakasan ang mga pulis.
Kaya naman ang raid, nauwi sa rescue dahil inuna ng mga pulis na mailigtas ang mga taong nadaganan.
Ang mga nadaganan, kumakaripas kaagad nang takbo kapag naialis sa pagkakaipit para makalayo sa mga pulis na nagligtas sa kanila.
Batay sa lumabas na ulat, hinarang umano ng mga may-ari ng club ang mga awtoridad at ikinandado ang kanilang establisimyento habang pinapatakas ang mga partygoers sa ibang daanan.
Wala namang nasawi o malubhang nasaktan sa nangyaring insidente.
Bukod sa ilang partygoers na naaresto, dinakip din ng mga awtoridad ang mga may-ari at kawani ng club.
Batay sa tala ng Johns Hopkins University, pang 54 ang Bolivia sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa mundo.
Hanggang nitong Pebrero 3, nakapagtala ang Bolivia ng 218,299 positibong kaso ng COVID-19.--FRJ, GMA News