Kinabibiliban ang isang batang lalaki sa Tarlac City dahil kahit apat na taong gulang pa lang siya, kabisado na niya ang watawat ng 195 na bansa at maging ang mga planeta.
Sa ulat ni King Guevarra ng GMA Regional TV "Balitang Amianan," mapapanood sa isang video na kayang pangalanan ni Rain Leonheart Angeles ang mga bansa mula sa mga flash card ng mga watawat na ipinapakita sa kaniya.
Nagsimula raw si Rain na magmemorya ng pangalan ng mga bansa noong dalawang-taong-gulang pa lamang siya.
"Usually binabasa niya 'yung book niya tapos tinatanong niya kami kung 'Anong flag ito?' 'Anong flag 'yun?' Then from time to time nanonood din siya ng YouTube, doon niya napapanood. Kahit hindi namin tinuturo sa kaniya nakikita niya sa YouTube," ayon kay Mark Francis Angeles, tatay ni Rain.
Bukod sa mga bansa, kabisado na rin ng bata ang mga planeta.
Pangarap daw ni Rain na maging isang astronaut.
"'Pag gusto niyang magbasa talaga, pinipilit niya ako. Go lang ako, tinuturuan ko lang siya, binabasahan ko siya," sabi ni Charline Joy Angeles, nanay ni Rain.--Jamil Santos/FRJ, GMA News