Aalertuhin ng Philippine National Police- Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang kanilang mga case officer sa pamamagitan ng "Tamad Alarm" na nakakonekta sa cellphone at tutunog kapag tatamad-tamad ang kanilang mga tauhan sa trabaho.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing gagamiting tunog sa "Tamad Alarm" ang emergency alert na ginagamit ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kapag may paparating na kalamidad.
"Ang clamor kasi ng mga tao sa lahat ng mga cases against mga empleyado, natutulog. Kahit na sa iyong kasamahan mapapahiya ka and then kung naririnig ng supervisor or the head of the unit, they should take action. Otherwise magiging partner siya roon sa liability," sabi ni PNP-IAS Inspector General Atty. Alfregar Triambulo.
Bukod sa alarma, may isa pang maririnig na tunog ang mga tinatamad umanong tauhan ng PNP.
"'Tatamad-tamad.' Para mapilitan siyang bumalik sa office at tapusin niya 'yung kaniyang trabaho," ayon pa kay Triambulo.
Binabaan na ng IAS sa 30 araw na deadline para tapusin ng case officer ang imbestigasyon at pagresolba sa kaso, mula sa itinakda ng NAPOLCOM na 90 araw.
May itinakdang proseso ang IAS na deadline para masiguro na uusad ng mabilis ang kaso.
Kapag hindi matapos ang trabaho sa itinakdang oras, tutunog ang alarma sa initial cellphone sa case officer.
"Tuwing bubuksan niya hindi mamamatay po 'yung alarm. Kaya nga i-connect namin sa cellphone kasi talagang gagamitin naman niya 'yung cellphone. Kasi kung papatayin niya 'yung cellphone 'pag tinatawagan namin siya at naka-off 'yung cellphone, may kaso rin siya," sabi ni Triambulo.
May pagkakataon naman ang case officer na mapatigil sandali ang tunog ng alarma.
Posibleng kasuhan ng naglect of duty ang mga case officer na hindi matatapos sa deadline ang kanilang mga trabaho, na may parusang admonition hanggang dismissal.
Ang IAS ang nag-iimbestiga laban sa mga PNP personnel at nagrerekomenda ng nauukol na kriminal na kaso.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News