Sinusubukan na ng mga siyentista sa China ang posible umanong sagot para mapabagal ang pagtanda ng isang tao at mapahaba ang buhay nito.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nakabuo ang isang grupo ng biologist sa Chinese Academy of Sciences ng world-first new gene therapy at sinusubukan na nila ito sa mga bubuwit.
Sinuri nila ang nasa 10,000 genes na may kaugnayan sa cellular ageing. Sa naturang bilang, 100 genes ang nakitaan nila ng potensiyal ay may isang katangi-tangi na tinawag nilang "Kat7."
Ang Kat7 gene, inilagay nila sa atay ng bubuwit.
"These mice show after six to eight months, they show overall improved appearance and grip strength and most importantly they have extended lifespan for about 25%," ayon kay Professor Qu Jing.
Ang Kat7 ay isa sa libu-libong genes na makikita sa cells ng mga mammal.
Sinusubukan din nila ang bisa ng gene sa stem cells ng tao, human liver cells at iba pa.
Wala pa naman daw nakikitang side effects sa cellular toxicity.
Sa kabila nito, matagal pang pag-aaral ang kailangan gawin at malaking pondo ang kailangan bago ito subukan sa tao. -- Reuters/FRJ, GMA News