Marami ang natutuwa sa binatang si Anton dahil sa kasipagan sa bukid at pagiging mabait na anak. Pero nang magkaroon ng pandemic, nag-iba raw ang pag-uugali nito at naging magagalitin kahit sa kaniyang mga magulang.
Kinalaunan ay masasangkot na rin siya sa gulo at mapatawag sa kanilang barangay sa Agusan del Sur.
Isang araw, naglaho sa paningin ng kaniyang pamilya si Anton at hindi nila makita sa mga lugar na kaniyang pinupuntahan.
Hanggang sa makatanggap sila ng impormasyon na si Anton, nakita sa tuktok ng puno ng niyog na may taas na 40 talampakan, at ayaw nang bumaba.
Upang mabigyan ng pagkain, may tali na inilagay kay Anton para hahatakin na lang niya ang rasyon na pagkain.
Dahil nag-aalala sila sa kaligtasan ni Anton, hangad nilang masagip sana siya mula sa tuktok ng puno lalo pa't wala siyang proteksiyon sa init ng araw at ulan.
Kaya naman ang rescue unit ng lokal na pamahalaan, naglatag ng plano kung papaano maibaba si Anton mula sa puno.
Pero dahil mayroon itak na dala si Anton, hindi magiging madali ang pagsagip sa kaniya.
Kaya ang naisip na paraan ng rescue team, putulin ang puno.
Ligtas kaya nilang masagip si Anton, at ano nga ba ang dahilan ng pagbabago ng ugali ng binata? Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News