Perwisyo ang idulot sa mga residente ng isang barangay sa San Juan, La Union matapos na buhusan umano ng isang nakatatandang residente na mayroon umanong galit ang anim na balon sa kanilang lugar.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkules, sinabing nagduda ang mga residente ng Barangay Talogtog nang maamoys nilang mabaho ang tubig.
Isang matanda ang hinihinala ng mga residente na posibleng nasa likod ng pagbubuhos ng pamatay-peste na kemikal, pero itinanggi niya ang paratang.
Ayon kay Police Captain Gerardo Macaraeg Jr., hepe ng San Juan Police, nang magpunta sila sa lugar para magsiyasat ay defensive na umano ang matanda at itinanggi na siya ang nagbuhos ng pestisidyo sa mga balon.
Sa imbestigasyon naman ng Rural Health Unit, lumilitaw na pesticide na malathion ang ibinuhos sa mga balon.
Payo ni Renato Abaga, sanitary inspector, RHU-San Juan, alisin muna ang mga tubig sa balon hanggang sa mawala na ang mabahong amoy.
"Then i-chlorinate and then ipa-laboratory test muna (bago gamitin ang tubig)," dagdag ng opisyal.
Sinabi naman ni Arlene Abat, punong barangay, na mineral [o bottled water] muna ang ginagamit ng mga kabarangay niya.
Ipinatanggal na rin daw niya ang tubig sa mga balon.
Ipinusuri na ng pulisya ang water sample mula sa balon bago nila sasampahan ng kasong attempted murder at malicious mischief ang suspek. --FRJ, GMA News