Uso ang makukulay na buhok ngayon. Kaya naman sina "Trixie" at "Sally," hindi nagpahuli. Pero sa halip na pumunta sa salon, pinili nilang magsariling-sikap o DIY [Do It Yourself].

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Trixie na nagpapalit-palit talaga siya ng kulay ng buhok upang gayahin ang mga nakikita niya sa mga video sa internet.

Hanggang sa may makita siyang hair coloring na kailangang gamitan ng bleach.

Naging maingat naman daw si Trixie sa pagsunod sa proseso. Katunayan, ang payo na isang oras na pagbabad sa buhok, ginawa lang niyang 35 minuto.

Sa simula, naging maayos naman daw ang resulta ng kaniyang DIY hair color. Pero pagkaraan ng ilang araw, nagsimula nang malagas ang kaniyang buhok, tumigas at nagdikit-dikit.

Samantalang si Sally, may isyu na raw dati sa kaniyang buhok pero gumawa pa rin siya ng DIY upang makulayan ang buhok niya at nagkaroon din ng aberya sa paglugas nito.

May pag-asa pa kayang maayos ang mga buhok nina Trixie at Sally? Ano nga ba ang dapat gawin para maiwasan ang aberya sa buhok? Panoorin ang video na ito ng "KMJS."


--FRJ, GMA News