Bago makilala bilang sikat na Paco Park sa Maynila, kilala bilang dating libingan ang lugar. Ilan sa mga nakahimlay dito ay mga may kaya sa buhay, kilalang personalidad at maging ang ilang namatay sa nangyaring epidemya noong 1800's dahil sa cholera.
Pero may mga kuwento ng kakalabhan na sinasabing nangyayari sa lugar na naranasan ng ilang nagtatrabaho sa parke, mga namamasyal at maging nang minsan mag-shoot doon noon ang isang Kapuso program.
Ang isang guwardiya, lagi raw may napapanaginipan na isang nagpapakilalang "Margarita Miguel."
Kaya naman naisipan niyang isa-isahin ang mga lapida sa parke at nagulat siya nang makita ang lapidang nakalagay ang naturang pangalan.
Ang isang namamasyal naman sa parke, kumuha ng video sa lugar. Pero nang mapanood niya ang video, nagulat siya nang makita niyang may isang batang biglang lumitaw gayung mag-isa lang siya sa lugar.
Upang alamin ang katotohanan sa likod ng mga sinasabing nilalang na nagpaparamdam sa parke, inimbitahan ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang paranormal researcher na si Ed Caluag na magsagawa ng pagsisiyasat sa lumang libingan.
Pero hindi niya inasahan kung anuman ang kaniyang dadatnan sa lugar at halos hindi niya kinaya lalo na ang sinasabing nagpaparamdam na "ghost bride."
Ngunit bakit nga ba ginawang parke ang dating libingan at saan inilagay ang mga labing nakahimlay dito? Panoorin ang episode na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News