Ikinatakot ng isang pamilya sa Quezon City ang nakunang video at litrato ng kanilang anak matapos na may magpakitang isang ulo at buhok sa tabi nito. Bahagi ba ito ng isang tao, o isang elemento na hindi maipaliwanag?
Sa ulat ni Nico Waje sa "Stand for Truth," ikinuwento ni Jimmy Garcia, may-ari ng bahay, na walang kasama ang kanilang anak sa kwarto Hunyo ng nakaraang taon nang gumamit ito ng flower filter ng isang app.
Habang nagbi-video ang bata, makikita sa kaniyang kanan ang ulo ng isang lalaki.
Ayon kay Garcia, siya lang ang nag-iisang lalaki sa bahay.
"Parang multo rin talaga eh, kasi hindi na siya nagpapakita ng mata," sabi ni Garcia.
Maliban sa video, may litrato ring nakunan ang kaniyang anak sa parehong oras at araw, kung saan makikita ang makapal na buhok sa tabi nito.
"May babae na nakasandal sa pader. Eh wala namang ganu'ng babae na may ganu'ng klase ng buhok na mahaba. Black kasi 'yung figure eh. Nu'ng tinitigan ko, para siyang patay talaga," ani Garcia.
Ikinuwento pa ng pamilya Garcia na dati na rin silang may mga nararamdamang kakaiba sa kanilang bahay.
"Simula doon sa garage, nakasilip ako sa bintana since pinapabuksan ko 'yung pinto. Akala ko mommy ko na 'yung bumaba. Isang paa lang 'yung bumaba, tapos umangat ulit, akala ko may naiwan lang sa room. Hindi na bumalik," sabi ni Garcia.
Bukod kay Garcia, may nakita rin ang tiyahin niyang si Cela Puesto na isang babae na brown ang damit.
Nang suriin ng paranormal expert na si Adam Reyes ang bahay, hindi naging normal ang electromagnetic field ng lugar, base sa kaniyang aparato.
Makumpirma kaya kung totoong tao o isang multo ang nakunan sa video at litrato sa bahay ng pamilya Garcia? Alamin sa video. —LBG, GMA News