Sa halip na datos para sa contact tracing, mga kanta tulad ng sa international singer na si Adele ang lumabas nang i-scan ng ilang residente sa Quezon City ang QR codes sa kanilang mga quarantine pass.
Sa ulat ni Manal Sugadol ng Stand For Truth sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita na kantang "Hello" ni Adele ang lumabas nang i-scan ni Vannezza Aranas ang kaniyang q-pass, imbes na dalhin siya nito sa information portal.
"Actually na-shock ako, sabi ko 'Oh wow!' Baka gusto talagang mag-hello ni Quezon City pero sige," ayon kay Aranas.
Nang mag-viral ang kaniyang "Hello" quarantine pass, naisipan ni Aranas na gumawa na rin ng quarantine MECQ playlist sa music app.
"Nu'ng time na ginawa ko 'yung playlist, na-curious kasi talaga ako like 'Hello,' siguro baka sa ibang tao 'pag nag-search sila baka iba 'yung lumabas. Sabi ko, gawa nga ako ng playlist. So ang dami na ring nag-add, actually 'yung sikat na songs na 'yun nadagdagan," anang residente.
Ikinatuwa man ito ng netizens, datos at mapa ng mga residente ang dapat na lumabas at hindi kanta dahil ang QR code ay feature ng integrated barangay information system (IBIS).
"IBIS is a mapping system. Whenever you input a name or information of a resident, it will go directly to a mapping system that you need to book in the coordinates kung saan sila talaga nakatira," sabi ni Bobby Atienza, Project Manager, Integrated Barangay Information System.
Ayon pa kay Atienza, mga opisyal ng barangay at pulis lang ang may kakayahang makapag-scan ng code.
Ginamitan din ng QR codes ang SafePass, na nilikha ng Talino Labs at Amihan Global, para sa frontliners at essential workers.
Sinabi ni contact tracing czar Benjamin Magalong na malaki ang maitutulong ng Qr codes para sa digital contact tracing sa mga LGU.
"I believe marami pa ring mga local governments din na may kaniya-kaniya silang mga technology na ginagamit pero at the end of the day dapat ang numbers mo pa rin is for urban 1 is to 37 at rural is 1 is to 30 pa rin ang dapat mako-contact trace mo," ayon kay Magalong.
Humingi na ng paumanhin ang chairman ng Batasan Hills, Quezon City sa mga pagkakamali sa mga inimprentang quarantine pass.
Pero maaari pa rin itong gamitin ng mga residente at siguruhin lamang na meron itong ID picture at lagda ng opisyal.--Jamil Santos/GMA News