Hindi lang isa, kung hindi ilang mountaineers na ang nabibiktima ng mga linta o limatik na pumapasok sa mata. Pero sa halip na gamitan ng kung anumang bagay tulad ng tiyani para maalis ang limatik, may mas ligtas daw na paraan. Alamin kung ano.

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Michelle na umuulan noon nang akyatin nila ang Mt. Makiling nang biglang magkaroon ng malakas na hangin.

Maya-maya lang, may maramdaman ni Michelle na kung anong bagay na pumasok sa kaniyang mata. At nang silipin ito ng kaniyang mga kasamahan, isa itong buhay na linta.

Tumagal ng limang oras sa mata ni Michelle ang linta bago nila ito nakuha sa pamamagitan ng pagbunot gamit ang tiyani.

Ang ilang mountaineers din na nakaranas ng nangyari kay Michelle, ginamitan din ng tiyani o iba pang bagay para matanggal sa mata sa mahigpit na pagkakapit ang linta.

Pero sabi ng isang ophtalmologist, tubig na nilagyan ng asin na ipapatak sa mata ang mabisa at ligtas na paraan upang maalis sa mata ang linta.

Ngunit kung perwisyo sa iba ang linta, may mga taong gumagamit naman sa linta para makatulong nila sa medisina at panggagamot. Kung papaano at saan, panoorin ang video ng "KMJS."


--FRJ, GMA News