Nasa 1,000 inahing manok sa isang naluging farm sa Iowa, USA, ang iniligtas sa kamatayan ng isang animal welfare group. Ang mga manok na pinapaitlog, papatayin na sana dahil hindi na sila kayang pakainin ng may-ari.

Nang makarating sa kaalaman ng mga namamahala ng Animal Place, lugar na kanlungan ng mga sinasagip na farm animal sa Northern California, kaagad silang kumilos para masagip ang mga manok.

Sa Facebook post ng Animal Place, sinabing may donor na sumagot sa gastusin upang mailipad sa California ang mga manok mula sa Iowa sa pamamagitan ng eroplano.

"When we heard the news about the farm, we went into action. In two days, we secured two chartered planes, a donor stepped up to cover the costs of the flight (so no donations are taken from Animal Place)," saad nila sa post.


Dahil sa lockdown ang maraming lugar sa America bunga ng COVID-19 pandemic, bumaba ang konsumo ng mga tao sa mga itlog at iba pang farm products kaya nalulugi ang mga farm.

Ang ibang nagpapatakbo ng farm, napipilitan na lang patayin ang ilang alaga para mabawasan ang kanilang gastusin, tulad ng planong gawin sa mga inahing manok.

Sa iba pang post ng Animal Place, makikita ang mga sinagip na manok na malayang nakakagala sa bago nilang tirahan, na malayo sa kalagayan nilang nakakulong lang sa hawla sa Iowa para pakibangan ang kanilang itlog.


Ilan din sa mga manok ang nakitang napakahaba na ng kuko dahil nasa hawla lang  sila at hindi nakakalakad.-- FRJ, GMA News