Nauwi sa kuwento ng pag-ibig ang ginagawang pagkuha ng larawan at pagdukomento ng isang lalaki sa New York sa kung papaano pinapalipas ng mga kalugar niya ang oras habang umiiral sa kanila ang community quarantine.  May maispatan kasi siyang magandang dilag na nagsasayaw sa rooftop.

Sa kaniyang Twitter account, ibinahagi ng photographer na si Jeremy Cohen kung papaano niya nakilala sa nakakikilig na paraan ang babaeng bumihag sa kaniyang puso--si Tori.

Mula sa bintana na kaniyang tinutuluyan, nakita ni Jeremy ang cute na si Tori habang nagsasayaw sa kabilang gusali at kinawayan niya ito. Nang tumugon ang babae, nagpalipad si Jeremy ng drone kung saan nakasulat ang kaniyang phone number.

Nang sumagot ang babae, doon na nagsimula ang kanilang komunikasyon at inayang mag-diner. Pero dahil sa social distancing, nagkasya na lang muna sila na sabay kumain habang nasa magkabilang gusali, may kaniya-kaniyang lamesa, at nag-uusap habang magka-video chat.

Hindi rin nawalan ng paraan si Jeremy na maka-date ang babae. Kumuha siya ng zorbing bubble, pumasok sa loob nito at pinuntahan si Tori.

May dala ring bulaklak si Jeremy pero ipinakita lang niya ito kay Tori at hindi ibinigay bilang pag-iingat pa rin. Nagawa naman nilang maglakad na magkasabay at nagkukuwentuhan habang nasa loob si Jeremy ng zorbing bubble.

Mahigit anim na milyon na ang view sa video ni Jeremy.

 

 

Sabi niya, "Just because we have to social distance doesn't mean we have to be socially distant."--FRJ, GMA News