Nagmistulang tourist attraction ngayon sa Barangay Pasil, Santander sa Cebu ang sangkaterbang baby sharks na nagpadpad malapit lang sa dalampasigan.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, makikita sa video na ini-upload ni Kier Belleza ang mga naglalanguyang baby sharks.
May mga turista umanong dumadaan sa lugar para masulyapan ang mga maliliit na pating.
Noong Linggo pa raw napansin ng mga residente sa lugar ang pagdagsa ng mga maliliit na pating sa kanilang baybayin.
Hindi pa matiyak kung paano napadpad doon ang baby sharks.
Samantala, pinaalalahanan naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources in Central Visayas (BFAR-Region 7) ang publiko na huwag hahawakan at gagambalain ang mga maliliit na pating na umano'y "blacktip" sharks, na madalas talagang makita sa mababaw na bahagi ng dagat.
Ayon kay Edgardo Delfin, OIC ng Cebu Provincial Fishery Office (PFO), maaaring napunta sa naturang lugar ang mga pating para maghanap ng pagkain.
"People should not be afraid. The presence of these sharks does not pose danger especially to people swimming there. They do not bite not unless they are threatened or harmed," paliwanag ni Delfin sa isang pahayag.
Normal na pangyayari din umano ang pagpunta doon ng mga maliliit na pating na kadalasan daw nangyayari tuwing Pebrero at Marso para maghanap ng maliliit na isdang makakain.
Bukod dito, sinabing nakita ang mga pating sa lugar na malapit sa marine sanctuary, na ipinagbabawal ang panghuhuli ng isda.--FRJ, GMA News