Parang time machine daw ang nabiling relo ng isang lalaki sa isang online shopping app dahil pabaliktad ang andar ng orasan nito. Sa kabila nito, wala raw siyang balak na papalitan ang relo. Alamin kung bakit.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Raymond AƱonuevo, na nahikayat siyang bilhin ang relo dahil bukod sa mura, buy one take one pa.
Maayos naman daw ang unang relo na kaniyang tiningnan pero ang pangalawa, napansin niyang kakaiba dahil baligtad ang andar.
"Umorder ako ng relo, ang binigay sa akin time machine. ..pabalik yung oras. Walang relo sa ibang bansa na ganito, pabalik eh. Ang galing," saad ni AƱonuevo nang i-post niya sa social media ang nabili niyang relo.
Pero kahit depektibo, wala na raw siyang balak na papalitan pa ang relo.
"Baka itago ko na lang 'to. Kasi baka balang araw magmahal na 'to kasi bihira ang ganitong relo," natatawa niyang paliwanag.
Sinabi naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, na dumadami ang natatanggap nilang reklamo tungkol sa mga palpak na produktong nabibili sa online.
Gayunman, inaaksyunan daw nila ang mga reklamo ang 99 percent ng mga ito ang nareresolba.
Sadya raw talagang mahirap bumili ng produktong na hindi mo nahawakan, nasipat o nasukat. Kaya payo ng DTI, bumili sa mga lehitimong online shopping sites para madaling malutas kapag nagkaproblema sa nabiling produkto.
Makabubuti rin daw na suriin ang mga review tungkol sa mga seller at produkto, at basahin ding mabuti ang terms of service ng mga online shopping app at websites.
Ang dalawa sa pinakamalaking online shopping site sa Pilipinas na Lazada at Shopee, sinabing prayoridad nila ang shopping experience ng kanilang mga customer.
Kaagad din daw nilang tinutugunan ang hinaing ng kanilang mga kliyente at may mga paraan upang direkta silang makausap sa pamamagitan ng customer care help center at live chat.-- FRJ, GMA News