Palaisipan para sa pamilya at ilang kapitbahay ang nangyari sa isang limang-buwang-gulang na sanggol na nadinig daw umiyak isang araw matapos siyang ilibing sa bakanteng lupa na malapit sa kanilang bahay sa Zamboanga Del Sur.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing pumanaw si baby James Encarnacion noong Sabado dahil sa severe sepsis, aspiration pneumonia at hypernatrimic dehydration.
Pagsapit ng Lunes, inilibing siya sa isang pribadong lupa malapit sa bahay nila sa Guipos, Zamboanga Del Sur. Pero pagsapit ng madaling araw, nagulat na lang ang ilang kapitbahay nang may madinig silang iyak ng sanggol.
Nang malaman ito ng mga magulang ng bata, hinukay nila ang anak at iniuwi sa kanilang bahay. Wala naman daw amoy ang sanggol, walang pangingitim sa balat at may pintig pa raw ang pulso.
Sa litrato, makikita pa ang nakapikit na sanggol na tila may luha pa habang may feeding bottle sa bibig.
Nang makarating sa alkalde ng Guipos ang balita, kaagad siyang nagpadala ng health unit ng bayan para suriin ang sanggol.
Pero ayon sa public health nurse, malamig na bangkay na ang sanggol nang madatnan niya. May bahagi daw ng balat nito ang nangingitim na at wala na talagang pulso.
Mahirap daw paniwalaan para sa rural health unit ang sinasabi ng pamilya at mga kapitbahay na muling nabuhay si baby James at umiyak.
Hindi malinaw kung bakit sinabing umiyak ang patay o kung pareho ito sa paglalabas ng likido ng mga bangkay bago tuluyang mabulok.
May pagkakataon din umano na naglalabas ng hangin ang baga ng isang bangkay na lumilikha ng ingay tulad ng tila umuungol.
Nang makumbinsi ang pamilya na wala na talaga si baby James, muli siyang inilibing. -- FRJ, GMA News