Isa na namang mangingisda ang inatake ng buwaya sa Palawan na nangyari nitong Biyernes ng gabi sa Bataraza. Ang biktima, nakaligtas sa kamatayan nang ipasok niya ang kaniyang kamay sa bibig ng hayop hanggang sa masuka.
Sa ulat ng GMA News "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Hairal Halon Jaapal, 52-anyos, na nagpapagaling sa ospital dahil sa tinamong mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.
READ: Buwaya sa Balabac, nang-atake na naman ng tao; bangkay ng biktima, nakitang sakmal pa ng buwaya
Kuwento ng biktima, naghahanda na siyang pumalaot nitong Biyernes ng gabi para mangisda nang maganap ang insidente. Itinutulak daw niya ang kaniyang bangka papunta sa dagat nang may sumakmal sa kaniyang paa.
READ: Batang inatake ng buwaya sa Palawan, ikinuwento kung paano siya nakaligtas
Nahawakan daw niya ang ulo ng kumagat sa kaniyang paa kaya natukoy niyang buwaya ito. Nang sakmalin pa siya, ipinasok niya sa bibig nito ang kaniyang kamay para masuka ang buwaya at pakawalan siya.
Noong isang taon, may naganap din pag-atake ng buwaya sa Bataraza.
May mga crocodile attack din na nangyari ngayong taon sa katabing bayan ng Balabac. --FRJ, GMA News