May mga lumabas na ring istorya tungkol sa mga umano'y mga multo na sinasabing nakuhanan ng larawan o video. Pero sa pagkakataong ito, ang sinasabing multo na sumilip sa camera, may nakakilala at ikinuwento ang dahilan nang malungkot niyang pagkawala.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ipinakita ang video ng isang magkakaanak na magre-record ang kanilang jamming sa loob ng bahay na kanilang inuupahan.
Pero sa simula pa lang ng pagkanta, biglang may sumilip na tila babae sa likod ng lalaking naggigitara. Giit ng nakatira sa bahay, walang ibang puwedeng daanan sa maliit na kuwarto na kinaroroonan ng pamilya at hindi nila kilala ang sumilip sa video na bigla ring nawala.
Nang ipasuri sa eksperto ang video, kumbinsido siya na hindi "edited" ang video pero hindi niya masabi kung multo o hindi ang babaeng sumilip sa camera.
Pag-amin naman ng nakatira sa bahay, inuupahan lang nila ang lugar. At kahit nabalitaan na nila na mayroon talagang nagmumulto sa bahay, hindi sila umaalis dahil mura lang ang upa.
Nang ipakita nila sa may-ari ng bahay ang video, kinilala nito kung sino ang "multong" sumilip sa camera at ikinuwento niya kung papaano ito namatay sa mismong bahay kung saan siya nagpaparamdam.
Pero may iba pang nakakakilabot na pangyayari ang naganap at nai-record sa camera nang magtungo sa bahay ang mga paranormal investigator. Panoorin.
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ, GMA news