Literal na isinagawa sa isang paaralan sa Davao del Sur ang kasabihang "use your coconut," nang gawin nilang helmet ang balat ng buko para maprotektahan ang ulo ng mga estudyante sa panahon ng kalamidad tulad ng lindol.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, ipinakita ang pinsalang tinamo ng apat na palapag na gusali ng Salud Cagas Technical Vocational High School sa Barangay Bacungan sa Magsaysay, matapos tumama ang 6.3 magnitude na lindol kamakailan.

Mabuti na lang at walang pasok nang mangyari ang paglindol kaya nakaiwas sa tiyak na kapahamakan ang mga guro at mag-aaral.

Bilang paghahanda sa katulad na kalamidad, gumawa na sila ng helmet na abot kaya ang halaga. Ang coconut helmet ay naisipan umanong gawin ng gurong si Dennis Sabado.

Nagsimula raw nilang gawin ang mga coco helmet noong Hulyo nang makaranas din sila ng paglindol.

Kailangan lang linisin ang loob ng pinagbalatang buko, pininturahan ang labas ng kulay orange para madaling makita, kinabitan ng garter, at ready nang gamitin.

Dahil maraming puno ng niyog sa lalawigan, hindi na problema ang coco helmet na malambot sa loob at matigas sa labas.

"Isa sa pinaka-sensitive na part po sa atin is yung ulo natin, at least man lang instead of yung magko-cover pa sa atin sila yung gamit ang kamay, so why not yung cocounut helmet na lang ang gamitin, " sabi ni Sabado na disaster coordinator din.

Sa nakalipas na mga buwan, ginawang project ng mga estudyante ang paggawa ng coco helmet at nakalagay na ang mga ito sa ilalim ng mga upuan ng mga mag-aaral na madali nilang makukuha sakaling magka-emergency.-- FRJ, GMA News