Hindi lang sa kasuotan laging magkapareho ang kambal na itinago sa pangalang Bea at Berna, dahil maging problema sa ulo, sabay sila. Ang kanilang anit kasi, pinamahayan ng sangkatutak na kuto hanggang sa magkasugat-sugat na.

Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," inilahad ng tiyahin nina Bea at Berna na laging magkasama ang kambal at naglalaro kahit tanghaling tapat.

Kung kaya naman posibleng nakuha raw ng magkambal ang mga kuto mula sa labas at sa arawan.  Dagdag pa ng tiyahin, hindi rin daw mahilig maligo ang kaniyang mga pamangkin kaya marahil naging mabilis ang pagdami ang mga kuto.

Ayon sa isang dermatologist, ang isang kuto ay kayang mangitlog ng walong kuto sa isang araw. Kaya kung mayroong 10 kuto sa ulo, kaya kaagad nitong magparami ng 80 sa loob lang ng isang araw.

Dahil sa malalang sitwasyon ng kuto ng kambal, sinubukan daw ng kanilang ina na pahiran ng kung ano-ano ang ulo ng anak para patayin ang mga kuto tulad ng gaas. Pero problema, walang epekto hanggang sa magdesisyon silang kalbuhin na lang ang dalawa.

Papaano nga kaya mapupuksa ang mga kuto ng kambal? Tunghayan ang kuwento nila sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" at alamin kung ano ang panganib na dulot ng maling solusyon sa pagtanggal sa mga kuto.

PAALALA, MASELAN ANG VIDEO:

Click here for more GMA Public Affairs videos:

--Jamil Santos/FRJ, GMA News