Nakaramdam ng "guilty feeling" ang isang ina sa Masbate nang malaman niyang mali ang kaniyang hinala na nagsasayang ng baon ang kaniyang anim na taong gulang na anak.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Miyerkules, sinabing nag-viral ang ginawang video ni Crisalyn Moreno habang tinatanong niya ang anak na si Jhon Rex tungkol sa baon.
Sa video, makikita si Jhon Rex na may kinuhang supot na nakasabit na naglalaman ng mga barya na kaniyang naipon mula sa kaniyang baon.
Akala daw kasi ng ina, baka kung anu-ano lang ang binibili ng kaniyang anak.
Pero nang kaniyang tanungin, sinabi ng bata na iniipon niya ang kaniyang baon para may magamit silang pera kapag ipinasuri ang kaniyang mata.
Nabulag daw kasi ang kaliwang mata ni Jhon Rex nang maaksidente habang naglalaro noon.
"Minsan binibili ko ng soup, minsan hindi ko binibili," saad ng bata sa video.
Nais daw ni Jhon Rex na gumaling ang kaniyang mata para mas madali raw siyang makahanap ng magandang trabaho paglaki niya.
Ilang netizens naman ang naantig sa kuwento ng mag-ina.
Aminado si Crisalyn na ibinidyo ang lahat dahil nakaramdam siya ng guilty feeling sa maling akala sa kaniyang anak.
"Pinapagalitan ko siya kasi akala ko nga binibili niya lang ng kung anu-ano sa school [yung baon niya] hindi ko alam na iniipon niya," saad ng ina.-- FRJ, GMA News