Nahuli-cam ng isang netizen ang eksena matapos umanong dumumi ang isang batang turista sa dalampasigan ng Boracay.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA "24 Oras nitong Martes, makikitang hinuhugasan ng isang babaeng turista ang bata sa dagat.

Ang isa pang babaeng turistang kasama nila, naaktuhan namang tila may ibinabaon sa buhangin, 'di kalayuan sa hinihugasang bata.

Maruming salawal umano ng bata ang ibinabaon, ayon sa kumuha ng video.

Nakarating na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang video.

"Bawal 'yung ganoon but still we need drumbeat more of information when it comes to enviromental violations," Environment Undersecretary Benny Antiporda said.

Makikipag-ugnayan daw ang DENR sa iba pang ahensya ng gobyerno kaugnay ng insidente.

Mamimigay rin daw sila ng mga polyetos para maipabatid sa mga turista ang mga ipinagbabawal na gawain sa pamosong isla ng Boracay.

Noong 2018, anim na buwang isinara sa mga turista ang Boracay para isailalim sa malawakang rehabilitasyon dahil na napakataas na fecal coliform level sa katubigan nito. —NB, GMA News