Tampok sa pagdiriwang ng Alimango Festival sa Calauag, Quezon nitong Sabado ang karera ng mga alimango na nilahukan ng mga residenteng bihasa sa paghuli ng alimango.
Hindi pinalampas ng mga turista ang pagkakataong ito na makita ang mga alimango na nagkakarera.
Sa karera, may alimango na mabilis ang takbo, mayroon ring stressed na at galit, mayroon namang mahiyaan at ayaw tumakbo. Enjoy na enjoy ang lahat.
Nag-kampeon sa karera ang alimango ni Nanay Lucing Ballos. Sa first, second at hanggang sa third round ay wagi ang kanyang alagang alimango na diretso na raw sa kawali upang gataan.
Alimango ang isa sa pangunahing pinagkakakitaan ng mga taga-Calauag maliban sa pagsasaka. Matatagpuan dito ang malalaki at ubod ng sarap na alimango. Export quality ika nga.
Ayon sa mga taga-Calauag, kakaiba raw ang lasa ng alimango dito dahil sa malinis na mga ilog kung saan ito nakukuha. Masarap raw ang babae at baklang alimango, 'di tulad ng lalaki at tomboy na alimango.
Mahirap hulihin ang alimango dahil matindi ito kung makasipit. Nagkaroon din ng pabilisan sa pagtatali ng mga huling alimango. Kahit sugatan na ang mga kamay ng ilang kalahok ay mabilis pa rin nilang naitali ang mailap na alimango.
Nagkaroon rin ng paligsahan sa pinakamalaki at pinakamabigat na alimango na nahuli. Ang malalaking alimango ay umaabot ang timbang sa 2 hanggang 3 kilo. Kung iluluto at kakainin ang isa pa lang raw nito ay tiyak solved na solved na ang kakain.
Tampok rin sa Alimango Festival ang makulay at magarbong street dancing exhibition ng mga kabataan.
Gamit ang mga costume na yari sa indigenous at recycled materials ay humataw nang todo ang mga kalahok. Bumida ang alimango-inspired costume na talagang pinaghandaan ng bawat isa. —KG, GMA News